12/30/24

Ika-Anim na Sulatin ⋆。°✩


"Ang Buhay ay Parang Gulong: 
Minsan Nasa Itaas, Minsan Nasa Ilamin"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Magandang araw sa inyong lahat! Buong puso akong nagpapasalamat sa inyong walang sawang suporta at pagsubaybay sa aking mga likha. Sa bawat salitang aking inilalathala, kayo ang nagsisilbing liwanag at inspirasyon, dahilan upang patuloy kong gawin ito. Ngayon, narito tayo sa huling akda na pinamagatang “Ang Buhay ay Parang Gulong: Minsan Nasa Itaas, Minsan Nasa Ibaba.” Nais kong itanong sa inyo: naniniwala ba kayo sa kasabihang ito? Marahil ay dama na natin ang katotohanang hatid nito, sapagkat lahat tayo’y dumaan na sa mga pag-ikot ng buhay—mga sandaling punong-puno ng saya at tagumpay, pati na rin mga pagkakataong lugmok at puno ng pagsubok.


    Ano nga ba ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Ang gulong ay sumasagisag sa daloy ng buhay ng isang tao. Ang buhay ay isang patuloy na laban, isang pakikibaka sa pagitan ng ating mga sarili at ng mapanlikhang mundo. Sa gitna ng pagbabago at pag-usad ng panahon, kinakailangan nating makibagay at sumabay sa agos, sapagkat kung hindi, tayo’y maaaring maiwan ng lipunang patuloy na nagbabago. Ang buhay ay puno ng kasiyahan at kasaganahan, subalit hindi rin mawawala ang mga pagsubok at kalungkutan. Ang paalala nito sa atin ay maging handa sa anumang maaaring dumating—maging ito man ay saya o lungkot, tagumpay o kabiguan.


    Tulad ng isang gulong, ang ating mga karanasan ay hindi mananatili sa iisang estado. May mga pagkakataon na tayo’y nasa rurok ng tagumpay at kasiyahan, ngunit dumarating din ang mga panahon ng pagsubok at pagkabigo. Pinapaalala sa atin ng kasabihang ito na walang permanente sa mundo—ang mga bagay na nagpapasaya sa atin ay maaaring pansamantala lamang, tulad ng ating mga minamahal na alagang hayop na nagbibigay ng saya at ligaya ngunit may hangganan din ang kanilang buhay. Ang kanilang presensya ay isang paalala na ang bawat sandali ay mahalaga, at dapat natin itong pahalagahan.


    Sa pag-ikot ng gulong ng buhay, hindi tayo palaging nasa taas o baba. Sa mga panahong nasa itaas, dapat tayong maging mapagpasalamat, at sa mga panahong nasa ibaba, dapat tayong maging matatag. Ang buhay ay puno ng pagbabago, at hindi natin maiiwasan ang takot na dala nito. Ngunit sa kabila ng lahat, ang mahalaga ay ang ating kakayahang bumangon muli at harapin ang mga hamon ng buhay. Karaniwan na sa atin ang maramdaman ang takot sa harap ng pagbabago, ngunit kinakailangan natin itong salubungin ng buong tapang at pusong matibay. Ang bawat pagsubok ay isang pagkakataon upang matuto at lumago, at ang bawat tagumpay ay isang paalala na may liwanag sa dulo ng bawat madilim na daan.


    Sa kabuuan, ang kasabihang “Ang Buhay ay Parang Gulong: Minsan Nasa Itaas, Minsan Nasa Ibaba” ay isang paalala na ang buhay ay puno ng pag-ikot—mga sandaling punong-puno ng saya at mga panahon ng pagsubok. Kaya naman, huwag tayong panghinaan ng loob sa harap ng mga hamon ng buhay. Lagi nating tandaan, ang gulong ng buhay ay patuloy na umiikot, at sa bawat pag-ikot nito, tayo’y binibigyan ng panibagong pagkakataon upang muling bumangon. Mahalagang maging handa sa bawat sandali, dala ang lakas ng loob, pag-asa, at matibay na determinasyon upang harapin ang bawat hamon na dumarating. Sa huli, ang bawat karanasan, maging ito man ay masaya o mahirap, ay bahagi ng ating paglalakbay patungo sa mas makabuluhang buhay.


12/27/24

Ika-Limang Sulatin ⋆。°✩


"Kung Hindi Ukol, Hindi Bubukol"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Kumusta? Magandang araw sa inyo, mga kaibigan! Ngayon ay ating bigyang-pansin ang isang mahalagang kasabihan na may pamagat na “Kung Hindi Ukol, Hindi Bubukol.” Ang kasabihang ito ay bahagi ng ating tradisyunal na kulturang Filipino, at ito ay nagpapahiwatig na “kung hindi nakatakda para sa iyo, hindi ito mangyayari.” Sinasalamin nito ang katotohanan ng buhay na hindi lahat ng bagay ay maaabot natin, kahit anong pagsusumikap pa ang gawin natin, dahil may mga bagay na hindi talaga nakalaan para sa atin.


    Para sa akin, ang buhay ay parang isang mahabang karera—punong-puno ng hamon at pagsubok. Kailangan nating magsumikap at magtiyaga upang maabot ang ating mga pangarap, ngunit hindi rin maikakaila na hindi lahat ng pinapangarap natin ay natutupad. Sa kabila ng ating pagsusumikap, may mga bagay na hindi talaga nakatakda para sa atin. Ngunit, ito ay hindi nangangahulugan na dapat tayong sumuko. Bagkus, dapat nating tanggapin na may mga bagay na talagang hindi para sa atin, at maaaring may mas magandang nakalaan para sa atin sa hinaharap. Kailangan mo itong paghirapan upang makamit, ngunit sa kabila ng lahat ng pagsisikap at sakripisyo, hindi ba't may mga pagkakataon pa rin kung saan hindi lahat ng pinaghirapan ay nagbubunga ng tagumpay na inaasahan?


    Napakahirap tanggapin ang ganitong mga bagay, lalo na kung pinagpaguran mo na ang lahat ngunit hindi mo pa rin nakamit ang inaasam mo. Halimbawa, ang pangarap na makapasok sa isang prestihiyosong unibersidad gaya ng UP, Ateneo, FEU, o La Salle. Maraming estudyante ang nagsusumikap, naglalaan ng oras at pagod, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin sila nakapasa. Napakasakit nito, lalo na kung ibinuhos mo na ang lahat ng iyong makakaya. 


    Ngunit, sa kabila ng pagkabigo, maaaring may mas magandang oportunidad na naghihintay para sa iyo. Isang magandang halimbawa rin ang pag-ibig. Maaaring sa una, akala mo'y nahanap mo na ang taong para sa iyo, ngunit sa bandang huli ay hindi pala siya ang nakatakda para sa iyo. Masakit man, ngunit ito ay bahagi ng buhay. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa, dahil maaaring ang tunay na nakatakda para sa iyo ay dumarating sa tamang panahon.


    Sa mundo, puno tayo ng mga katanungan at panghihinayang. "Bakit hindi ito nangyari para sa akin?" o "Bakit ganito ang naging kapalaran ko?" Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may aral na mapupulot. Ang kasabihang “Kung Hindi Ukol, Hindi Bubukol” ay nagtuturo sa atin ng pagtanggap at pag-unawa sa mga bagay na hindi natin kontrolado. May halong pait at tamis, ngunit lahat ng ito ay may dahilan. Katulad ng sinasabi sa kasabihan na “God's Redirection,” lahat ng nangyayari sa atin ay may dahilan. Ang mga pagsubok ay maaaring maging daan tungo sa mas magandang kinabukasan.


    Kaya’t sa bawat landas na ating tinatahak, tandaan natin na walang imposible basta’t patuloy tayong nagsusumikap at naniniwala. Maraming benepisyo ang maaaring makamit kahit na maraming sakripisyo ang kailangang pagdaanan, o ‘di kaya’y perwisyong maaaring sumalubong sa bawat hakbang na ating tatahakin, na minsan ay nagiging hadlang sa ating mga pangarap. Ang mga pangarap na hindi natin nakamit ngayon ay maaaring matupad sa hinaharap. Ang mahalaga, hindi tayo sumusuko at patuloy na lumalaban. Malay mo, ang pangarap na matagal mo nang inaasam ay makakamit mo rin, basta’t maniwala ka lang, mga binibini at ginoo. Padayon!


12/25/24

Ika-Apat na Sulatin ⋆。°✩


"Kanser sa Lipunan"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Kumusta? Sana ay nasa maayos kayong kalagayan. Huwag kalimutan ngumiti, mga kaibigan! Ngayon ay ating pag-usapan at bigyan ng pansin ang isa sa pinakamabibigat na isyu ng ating bansa—walang iba kundi ang “Kanser sa Lipunan.” Ano nga ba ang salitang kanser? Sa larangan ng medisina, ang kanser ay isang uri ng sakit na mahirap lunasan, kung hindi man malunasan, at ito rin ay madalas nakamamatay. Kung ito’y ihahambing sa tunay na kalagayan ng ating bansa, ang kanser sa lipunan ay tumutukoy sa mga suliraning nagpapahirap sa ating mga mamamayan at humahadlang sa kaunlaran. Sa ating lipunan, ang kanser na ito ay makikita sa mga maling sistema ng gobyerno, hindi makatarungang patakaran, at kawalan ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang korapsyon, diskriminasyon, kahirapan, at ang patuloy na impluwensya ng masamang bisyo tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa bawat sulok ng ating bayan, nakikita ang epekto ng kanser na ito—mula sa liblib na lugar hanggang sa mga urbanisadong lungsod.


    Gaya ng kasabihang “History Repeats Itself” ni Karl Marx, tila paulit-ulit ang ganitong mga problema sa ating bayan. Nauulit ang parehong maling gawi at baluktot na sistema dahil sa kawalang aksyon ng mga mamamayan at ng gobyerno. Isa sa mga dahilan nito ay ang kawalan ng tamang edukasyon at impormasyon, partikular na sa mga botante. Marami ang binabayaran, binobola, tinatakot, o naimpluwensyahan ng kasakiman. Ang mas masaklap pa, marami sa kanila ang nahikayat ng mga mapanlinlang na pangako ng mga kandidatong wala namang balak tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Kung ang edukasyon lamang ay naging prayoridad ng pamahalaan, malamang ay mas naging matalino ang mga mamamayan sa pagboto ng tamang lider. Ngunit sa halip, mas binibigyang pansin ng ilan ang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng nakararami. Ang mga opisyal na ito ay takot sa mga mamamayang may malawak na kaalaman dahil alam nilang hindi na sila madadala ng kasinungalingan. Kaya’t habang patuloy na nasasadlak ang edukasyon sa laylayan, lalo rin tayong nahuhulog sa patibong ng katiwalian.


    Isa pang aspeto ng kanser sa lipunan ay ang diskriminasyon. Sa kabila ng patuloy na kampanya laban dito, marami pa rin ang nagiging biktima batay sa kanilang kasarian, paniniwala, lahi, o kalagayan sa buhay. Bukod dito, ang kahirapan ay nananatiling isa sa mga pinakamabigat na problema ng ating bansa. Hindi maitatangging ito ay dulot ng kawalan ng maayos na pamamahala at labis na kasakiman ng mga nasa kapangyarihan. Sa bawat patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lalong nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino na makaraos sa araw-araw.


    Sa pangkalahatan, ang kanser sa lipunan ay nananatiling hamon sa ating bayan. Ngunit may magagawa tayo. Maging alerto at mapanuri sa bawat kilos ng mga opisyal. Gumamit ng boses upang maipahayag ang hinaing at ipakita ang pagkakaisa sa pagtutol sa katiwalian. Bilang mamamayan, responsibilidad natin ang magkaisa para sa ikauunlad ng ating bayan. Hindi natin kailangang maghintay ng pagbabago mula sa gobyerno; tayo mismo ang magsisimula ng pagbabago. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Bagamat mahirap ang laban kontra sa kanser ng lipunan, posible itong masugpo kung tayong lahat ay magsasama-sama at kikilos nang may pagkakaisa. Ang ating kinabukasan ay nakasalalay hindi lamang sa mga pinuno, kundi sa ating lahat bilang mamamayan ng Pilipinas.

12/23/24

Ika-Tatlong Sulatin ⋆。°✩


"Mahapding Bunga ng Pagsisisi"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Magandang araw sa inyong lahat, mga mambabasa! Ngayon, ating pag-usapan ang kantang “Anak,” na inawit ni Freddie Aguilar. Ang awiting ito ay nagpapakita ng malalim na pagmamahal at sakripisyo ng mga magulang para sa kanilang anak, kahit sa kabila ng mga pagkakamali at pagsubok na hinaharap nito. Ang kwento ay umiikot sa buhay ng isang batang isinilang at lumaki sa isang simpleng pamilya. 


    Sa kabila ng hirap ng buhay, ipinadama ng mga magulang ang kanilang walang kapantay na pagmamahal at saya mula sa unang araw na dumating ang anak sa mundo. Buong puso nilang ibinuhos ang kanilang oras, lakas, at kakayahan upang maibigay ang lahat ng kanilang makakaya para sa anak. Sila’y nagtiis at nagsakripisyo, inuuna ang kapakanan ng bata kaysa sa kanilang sarili. Layunin nilang maipadama ang tunay na kaligayahan at maipakita ang kahulugan ng walang kondisyong pagmamahal.


    Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, napunta ang anak sa maling landas. Siya’y nalulong sa masamang bisyo at ipinagbabawal na droga, na nauwi pa sa pagkakakulong. Napatanong ang ina kung saan siya nagkulang bilang magulang. Dahil dito, lubos na nagsisi ang anak, humingi ng tawad, at napagtanto ang bigat ng kanyang mga nagawang kasalanan. 


    Sa huli, siya’y nakalaya at nagbagong buhay, muling nakasama ang kanyang pamilya, at namuhay nang mas maayos. Sa totoong buhay, bagamat madalas nating napapanood sa telebisyon ang ganitong kwento, ito’y madalas ding nangyayari sa mga liblib na lugar. Maraming salik ang maaaring magdala sa isang anak sa maling landas—maaaring kakulangan sa paggabay ng magulang o maling impluwensya ng kaibigan at lipunan.


    Bilang mga magulang, tungkulin nilang alagaan, pag-aralin, protektahan, at suportahan ang kanilang anak. Nakasalalay sa kanilang paggabay ang magiging kinabukasan ng kanilang mga anak. Gayundin, bilang anak, responsibilidad nating suriin ang ating mga ginagawa. Dapat nating tanungin kung ang ating mga aksyon ay makakabuti o makakasama sa ating sarili at sa ating kapwa. Mahalaga rin ang pagiging magalang sa mga magulang at nakatatanda. 

    
    Huwag nating hayaang maimpluwensyahan tayo ng masamang bisyo tulad ng droga, pagnanakaw, o iba pang maling gawain. Sundin natin ang payo ng ating mga magulang dahil sila ang nakakaalam ng ikabubuti natin. Sa kanilang paggabay, matutulungan nila tayong magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.


12/21/24

Ika-Dalawang Sulatin ⋆。°✩


"Tulay Tungo sa Buhay ng 
Isang Karaniwang Mag-aaral na si Fuentes"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Kumusta? Sana ay nasa maayos kayong kalagayan. Nais kong ipakilala sa inyong lahat si Ben, nag-iisang anak na lalaki na ubod ng kagwapuhan at may taglay na karisma at katalinuhan. Ang kanyang buong pangalan ay John Benedict N. Fuentes. Ipinanganak siya noong ika-10 ng Abril, taong 2008, sa bayan ng Allen, Northern Samar. Kahit Bisaya ang pangunahing wika ng kanyang pamilya, lumaki siyang Tagalog ang diyalektong ginagamit. Sa kasalukuyan, nakatira siya sa bayan ng Cainta, Rizal sa loob ng mahigit sampung taon upang makapag-aral sa mas maayos na kapaligiran.


    Pangarap niyang maging isang Pharmacist, kahit noong una ay gusto niyang maging isang Architect, Interior Designer, o maging Flight Attendant. Noong bata pa siya, mahilig siya sa bola at mga laruang bumubuo ng bahay. Hindi siya mahilig sa mga pisikal na laro tulad ng volleyball at basketball, ngunit natagpuan niya ang kanyang kasiyahan sa badminton. Bagama’t madalas siyang nasa loob ng bahay noong bata pa, masaya siya tuwing may pagkakataong gumala kasama ang kanyang pamilya.


    Si Ben ay may kondisyon na Adolescent Idiopathic Scoliosis (AIS), isang uri ng scoliosis. Natuklasan ang kanyang kondisyon noong 2019, sa edad na 11 taon. Simula noon, marami siyang kailangang iwasan, tulad ng mga pisikal na aktibidad gaya ng plank at ilang uri ng ehersisyo. Gayunpaman, siniguro ng kanyang doktor na maaari pa rin siyang magsayaw basta’t iwasan ang mga mahirap na galaw tulad ng tumbling. 


    Dahil dito, bumalik siya sa pagsasayaw, at ito ang naging daan upang maipahayag niya ang sarili. Ayon sa kanya, "May benepisyo pero may limitasyon," ngunit naniniwala rin siyang ang pagkakaroon ng scoliosis ay isang "blessing in disguise." Natutunan niyang magpursige sa kabila ng kanyang kondisyon at patuloy na nagpapasalamat sa mga taong sumusuporta sa kanya.


    Noong elementarya, nag-aral siya sa pribadong paaralan. Masaya ang kanyang karanasan dahil dito niya unang naipakita ang kanyang talino at galing. Nanalo siya ng maraming gantimpala, kabilang na ang unang pwesto sa pagsusulit sa Matematika, Costume Competition, pagguhit, at pagsusulat ng mga larawan. Paborito niyang paksa noon ang Matematika, kung saan lagi siyang nakakakuha ng mataas na grado at palaging nangunguna sa klase. 


    Sa Junior High School, naging hamon ang pandemya ng COVID-19 sa kanyang pag-aaral. Nahirapan siyang makaangkop noong una, ngunit sa tulong ng kanyang mga kaibigan at pamilya, unti-unti siyang bumawi. Sa ika-walong baitang, nakabalik siya sa listahan ng mga may karangalan, hanggang sa nagtapos siya ng ika-sampung baitang nang may karangalan. Bagama’t hindi naging madali ang lahat, kinaya niya ang mga hamon sa pamamagitan ng sipag at tiyaga.


    Ngayon, nag-aaral siya sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia sa Pasig. Bagama’t mahirap ang simula, nagawa niyang makamit ang karangalan sa ikalawang markahan ng kanyang kasalukuyang taon sa ika-labing-isang baitang. Naging aktibo rin siya sa mga aktibidad sa paaralan. Siya ay naging class officer bilang “Escort” ng 11-STEM 2 at nakapasok sa Royal Dance Varsity (RDV) bilang bahagi ng Team B. Lumahok din siya sa mga patimpalak tulad ng “Masining na Pagkukwento” at “Slogan Making Contest” para sa Buwan ng Wika. Bukod dito, nagkaroon siya ng pagkakataong makasayaw sa klase para sa Teacher’s Day at Year-End Party. Ang mga karanasang ito ay nagbigay sa kanya ng aral na ang bawat pagkabigo ay maaaring maging daan upang mas mapabuti ang sarili.


    Patuloy siyang nagpupursige na maabot ang kanyang mga pangarap at makapagbigay-inspirasyon sa iba. Sa kabila ng kanyang kondisyon, napatunayan niya na kaya niyang harapin ang hamon ng buhay. Siya ay masipag, masunuring anak, at puno ng determinasyon na makaahon sa kahirapan. Handa siyang magpatuloy sa pagsasayaw, pag-aaral, at pagtulong sa kanyang kapwa. Sa huli, ang kanyang kwento ay patunay na ang determinasyon at positibong pananaw sa buhay ay susi upang malampasan ang anumang pagsubok.


12/06/24

Ika-Unang Sulatin ⋆。°✩




"Ang Magulong Landas para sa Pangarap"

✮ ⋆ ˚。π–¦Ή ⋆。°✩

    Kumusta? Umaasa akong nasa mabuti kayong kalagayan. Ibabahagi ko ang aking kwento—ang mga naging karanasan ko bilang isang anak na puno ng pagmamahal at sakripisyo, at bilang isang mag-aaral na humaharap sa mga pagsubok habang patuloy na nangangarap para sa isang mas maliwanag na bukas.


    Noong ako'y bata pa, madalas akong nasa labas ng aming bahay, naglalaro kasama ang mga kaibigan hanggang sa dumilim ang araw. Ang sarap balikan ang nakaraan—wala masyadong problema sa bahay at eskwelahan. Sabi ng aking mama, "Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral upang makahanap ka ng magandang trabaho at buhay kinabukasan." Ang mga salitang ito ang tumatak sa aking isipan. 


    Ngunit habang lumilipas ang panahon, tila nahihirapan ako—hindi sa akademikong gawain, kundi sa pakikisalamuha sa aking mga kamag-aral. Noong ako'y nagsisimula pa lamang sa elementarya, bigla akong nahirapan dahil sa angking galing nila sa pag-aaral. Tila hindi ako kuntento sa aking mga pagsisikap, at nawalan ako ng tiwala sa sarili. Hindi naman ako pinapahirapan ng aking mga magulang o inaasahan na maging pinakamagaling na mag-aaral. Ngunit napagtanto ko na ako mismo ang nagpapahirap sa aking sarili para lamang makatanggap ng pagkilala sa akademiko.


    Noong panahong iyon, tila nawalan ako ng landas. Ngunit ginawa kong gabay ang mga hamon na ito upang manatili ako bilang isang mag-aaral na may karangalan at hindi mapag-iwanan. Ayaw kong mabigo ang aking mga magulang, kaya lalo kong pinagbubutihan ang aking pag-aaral upang makakuha ng mataas na grado. Subalit, habang tumatagal—lalo na noong sekondarya—mas lalong dumami ang mga hamon na kinaharap ko. 


    Dumating pa sa puntong gusto ko nang sumuko dahil sa bigat ng mga suliranin. Sa kabila ng lahat, naisip ko na ganito pala ang buhay ng isang estudyanteng may pangarap. Ang buhay ay tila isang karera para sa akin. Sa kabila ng magulong mundo at tila nawawalang landas noong aking kabataan, hindi ako huminto at ipinagpatuloy ko ang aking paglalakbay hanggang sa kasalukuyan.


    Ngayon, ang layunin ko ay makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa aking mga magulang at magkaroon ng magandang trabaho bilang isang Pharmacist. Sa pamamagitan nito, mapapalitan ko ng saya ang lahat ng sakripisyo ng aking mga magulang at maibabangon ang aming pamilya mula sa kahirapan. Mahalagang makapagtapos ako, at patuloy kong pagsusumikapan na maabot ang pangarap kong ito. 


    Lahat ng aking karanasan mula elementarya hanggang ngayon bilang Senior High School student sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia ay magsisilbing pundasyon para sa aking tagumpay. Ang lahat ng ito ay mananatili sa aking puso, at gagawin ko ang makakaya upang bumangon at maging inspirasyon sa iba. Laking pasasalamat ko sa aking mga magulang at mga kaibigang patuloy na sumusuporta sa aking mga pangarap. Dahil sa kanila, naging matatag ako at nagpatuloy sa landas na puno ng pagsubok, kawalang-kasiguraduhan, at walang tiyak na patutunguhan.