"Kanser sa Lipunan"
✮ ⋆ ˚。𖦹 ⋆。°✩
Kumusta? Sana ay nasa maayos kayong kalagayan. Huwag kalimutan ngumiti, mga kaibigan! Ngayon ay ating pag-usapan at bigyan ng pansin ang isa sa pinakamabibigat na isyu ng ating bansa—walang iba kundi ang “Kanser sa Lipunan.” Ano nga ba ang salitang kanser? Sa larangan ng medisina, ang kanser ay isang uri ng sakit na mahirap lunasan, kung hindi man malunasan, at ito rin ay madalas nakamamatay. Kung ito’y ihahambing sa tunay na kalagayan ng ating bansa, ang kanser sa lipunan ay tumutukoy sa mga suliraning nagpapahirap sa ating mga mamamayan at humahadlang sa kaunlaran. Sa ating lipunan, ang kanser na ito ay makikita sa mga maling sistema ng gobyerno, hindi makatarungang patakaran, at kawalan ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang korapsyon, diskriminasyon, kahirapan, at ang patuloy na impluwensya ng masamang bisyo tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa bawat sulok ng ating bayan, nakikita ang epekto ng kanser na ito—mula sa liblib na lugar hanggang sa mga urbanisadong lungsod.
Gaya ng kasabihang “History Repeats Itself” ni Karl Marx, tila paulit-ulit ang ganitong mga problema sa ating bayan. Nauulit ang parehong maling gawi at baluktot na sistema dahil sa kawalang aksyon ng mga mamamayan at ng gobyerno. Isa sa mga dahilan nito ay ang kawalan ng tamang edukasyon at impormasyon, partikular na sa mga botante. Marami ang binabayaran, binobola, tinatakot, o naimpluwensyahan ng kasakiman. Ang mas masaklap pa, marami sa kanila ang nahikayat ng mga mapanlinlang na pangako ng mga kandidatong wala namang balak tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Kung ang edukasyon lamang ay naging prayoridad ng pamahalaan, malamang ay mas naging matalino ang mga mamamayan sa pagboto ng tamang lider. Ngunit sa halip, mas binibigyang pansin ng ilan ang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng nakararami. Ang mga opisyal na ito ay takot sa mga mamamayang may malawak na kaalaman dahil alam nilang hindi na sila madadala ng kasinungalingan. Kaya’t habang patuloy na nasasadlak ang edukasyon sa laylayan, lalo rin tayong nahuhulog sa patibong ng katiwalian.
Isa pang aspeto ng kanser sa lipunan ay ang diskriminasyon. Sa kabila ng patuloy na kampanya laban dito, marami pa rin ang nagiging biktima batay sa kanilang kasarian, paniniwala, lahi, o kalagayan sa buhay. Bukod dito, ang kahirapan ay nananatiling isa sa mga pinakamabigat na problema ng ating bansa. Hindi maitatangging ito ay dulot ng kawalan ng maayos na pamamahala at labis na kasakiman ng mga nasa kapangyarihan. Sa bawat patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lalong nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino na makaraos sa araw-araw.
Sa pangkalahatan, ang kanser sa lipunan ay nananatiling hamon sa ating bayan. Ngunit may magagawa tayo. Maging alerto at mapanuri sa bawat kilos ng mga opisyal. Gumamit ng boses upang maipahayag ang hinaing at ipakita ang pagkakaisa sa pagtutol sa katiwalian. Bilang mamamayan, responsibilidad natin ang magkaisa para sa ikauunlad ng ating bayan. Hindi natin kailangang maghintay ng pagbabago mula sa gobyerno; tayo mismo ang magsisimula ng pagbabago. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Bagamat mahirap ang laban kontra sa kanser ng lipunan, posible itong masugpo kung tayong lahat ay magsasama-sama at kikilos nang may pagkakaisa. Ang ating kinabukasan ay nakasalalay hindi lamang sa mga pinuno, kundi sa ating lahat bilang mamamayan ng Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento