12/06/24

Ika-Unang Sulatin ⋆。°✩




"Ang Magulong Landas para sa Pangarap"

✮ ⋆ ˚。𖦹 ⋆。°✩

    Kumusta? Umaasa akong nasa mabuti kayong kalagayan. Ibabahagi ko ang aking kwento—ang mga naging karanasan ko bilang isang anak na puno ng pagmamahal at sakripisyo, at bilang isang mag-aaral na humaharap sa mga pagsubok habang patuloy na nangangarap para sa isang mas maliwanag na bukas.


    Noong ako'y bata pa, madalas akong nasa labas ng aming bahay, naglalaro kasama ang mga kaibigan hanggang sa dumilim ang araw. Ang sarap balikan ang nakaraan—wala masyadong problema sa bahay at eskwelahan. Sabi ng aking mama, "Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral upang makahanap ka ng magandang trabaho at buhay kinabukasan." Ang mga salitang ito ang tumatak sa aking isipan. 


    Ngunit habang lumilipas ang panahon, tila nahihirapan ako—hindi sa akademikong gawain, kundi sa pakikisalamuha sa aking mga kamag-aral. Noong ako'y nagsisimula pa lamang sa elementarya, bigla akong nahirapan dahil sa angking galing nila sa pag-aaral. Tila hindi ako kuntento sa aking mga pagsisikap, at nawalan ako ng tiwala sa sarili. Hindi naman ako pinapahirapan ng aking mga magulang o inaasahan na maging pinakamagaling na mag-aaral. Ngunit napagtanto ko na ako mismo ang nagpapahirap sa aking sarili para lamang makatanggap ng pagkilala sa akademiko.


    Noong panahong iyon, tila nawalan ako ng landas. Ngunit ginawa kong gabay ang mga hamon na ito upang manatili ako bilang isang mag-aaral na may karangalan at hindi mapag-iwanan. Ayaw kong mabigo ang aking mga magulang, kaya lalo kong pinagbubutihan ang aking pag-aaral upang makakuha ng mataas na grado. Subalit, habang tumatagal—lalo na noong sekondarya—mas lalong dumami ang mga hamon na kinaharap ko. 


    Dumating pa sa puntong gusto ko nang sumuko dahil sa bigat ng mga suliranin. Sa kabila ng lahat, naisip ko na ganito pala ang buhay ng isang estudyanteng may pangarap. Ang buhay ay tila isang karera para sa akin. Sa kabila ng magulong mundo at tila nawawalang landas noong aking kabataan, hindi ako huminto at ipinagpatuloy ko ang aking paglalakbay hanggang sa kasalukuyan.


    Ngayon, ang layunin ko ay makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa aking mga magulang at magkaroon ng magandang trabaho bilang isang Pharmacist. Sa pamamagitan nito, mapapalitan ko ng saya ang lahat ng sakripisyo ng aking mga magulang at maibabangon ang aming pamilya mula sa kahirapan. Mahalagang makapagtapos ako, at patuloy kong pagsusumikapan na maabot ang pangarap kong ito. 


    Lahat ng aking karanasan mula elementarya hanggang ngayon bilang Senior High School student sa Mataas na Paaralan ng Sta. Lucia ay magsisilbing pundasyon para sa aking tagumpay. Ang lahat ng ito ay mananatili sa aking puso, at gagawin ko ang makakaya upang bumangon at maging inspirasyon sa iba. Laking pasasalamat ko sa aking mga magulang at mga kaibigang patuloy na sumusuporta sa aking mga pangarap. Dahil sa kanila, naging matatag ako at nagpatuloy sa landas na puno ng pagsubok, kawalang-kasiguraduhan, at walang tiyak na patutunguhan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento